Mga Programa

Mga Programa

 

Ilan sa mga pinagtitiwalaang awtoridad sa buong mundo hinggil sa wika gaya nina David Crystal (2000), Robert Dixon (1997) at Michael Krauss (1992) ang nagpahayag ng makatwirang palagay na mula sa tinatáyang 6,000 wikang sinasalita sa buong mundo sa kasalukuyan, aabot sa 90% nitó ang maglalaho sa loob ng isang daang taon. Gayundin, may palagay pang 96% ng mga wikang sinasalita sa buong mundo sa kasalukuyan ay sinasalita na lámang ng 4% ng bawat grupo ng mga tao nitó (Bernard 1996; Cyrstal, 1997). Nangangahulugan ito na karamihan sa mga wika sa mundo ay patungo sa pagkaunti ng bilang ng táong tagapagsalita nitó (UNESCO Ad Hoc Expert Group on Endangered Languages, 2003).

Bílang isa sa pinakamahalagang elemento ng kultura, ang wika ay higit pa sa isang kasangkapan at paraan ng komunikasyon ng isang lipunan. Nagsisilbi itong impukan-kuhanan ng isang kultura (Salazar 1996). Dito natitipon ang pag-uugali, isip, at damdámin ng isang grupo ng tao. Sa pamamagitan nitó’y nabibigkisang bawat miyembro ng isang komunidad sa iisang tradisyon, paniniwala, at kolektibong gáwi at kilos. Kayâ naman, tunay na isang malaking pangamba ang pagkawala ng pamanang kultura ng isang katutubong pangkat, kaugnay ng pagkawala ng isang wika. Ang paglalaho ng wika ay nangagahulugan din ng pagkawala ng mga makabuluhang kaugaliang nakakabit sa wika. Ang katutubong kaalaman, awitin, at iba pang nása anyong pasalita ay kasabay na maglalaho kung wala na ang mga tagapagsalita, lalo pa kung hindi dokumentado ang wika. At kahit pa nasusulat ito, mawawalan din ito ng kabuluhan kung hindi man lámang magagawang isalin sa ibang wika.

Ang paglalaho at pagkamatay ng wika ay tunay na nagdudulot ng paglalaho at pagkamatay ngkolektibo at indibidwal na identidad ng isang komunidad (Hoffman 2009:21). Sa Pilipinas, batay sa isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2014 na Balidasyon ng mga Wika, lumabas na mayroong 130 na mga umiiral na wika sa Pilipinas. Sangkapat nitó o aabot sa mahigit 20 wika ay mayroong humigit-kumulang 1,000 tagapagsalita na lámang o mas mababà pa. Kasáma sa mandato ng KWF na kailangang pangalagaan at paunlarin ang 130 mga wika na ito lalo na yaong mga nanganganib nang mawala.

Bahay-Wika

Binuo ang manwal na ito upang maging gabay ng mga katutubong pamayanan na interesado sa pagtatayo ng kaniláng sariling programa na Bahay-Wika. Maaari din itong gamítin ng ibá’t ibáng mga ahensiya at institusyon na may layuning mag-organisa ng ganitong programa para sa mga komunidad sa bansa na nanganganib ang wika. Ang manwal na ito ay nabuo bunga ng dokumentasyon ng mga karanasan at prosesong pinagdaanan ng mga tagapagtaguyod ng programa.